- Resource Types
- Resource Languages
- Institutional Repository
About Site Language
WHDL is viewable in multiple languages. Use the pull-down menu to select a language to view the site.
I changed my language, but I’m still seeing resources in the other languages?
If a resource or text has not been translated into your selected language, it will appear in the initially added language. We are always looking for help translating these resources. If you can help, contact us!
WHDL - 00017880
Nang ako ay dumating sa Papua New Guinea noong 2003, kaunti lang ang aking nalalaman tungkol sa kasaysayan ng gawain ng Nazarene doon. Ang alam ko ay sina Sidney at Wanda Knox ang nagsimula ng gawain. Nagsimula akong magbasa ng maraming mga aklat ng NMI (o NFMS o NWMS, depende sa taon kung kailan isinulat ang mga iyon) na pangmisyon tungkol sa New Guinea. Kabilang sa mga aklat na ito ay ang: Wanda, mula 1991, at ang The Call of New Guinea, mula 1958. Ako’y nakasisiguro na lahat ng mga baguhang misyonero ay may mga pagdududa sa kanilang pasya. Ang ilan ay mas may katiyakan kaysa sa iba, ngunit sa palagay ko silang lahat ay marami ring mga katanungan tulad ng mga naging katanungan ko. “Ito ba talaga ang tawag ng Diyos sa akin?” “Ano ang ginagawa ko roon?” “Bakit andito ang Church of the Nazarene?” “Ang gawain ba rito ay tunay na bahagi ng Kanyang plano?” Sa mga tanong na iyon na ipinagwawalang-bahala at maaaring hindi maganda ang kahihinatnan kung hindi bibigyan ng pansin, ito ang nabasa ko mula sa aklat ni Sidney: Enero 1 [1956] … Sa ganap na dalawang minuto lampas ng tanghali sa araw na ito, nadama ko ang pinakamatamis na karanasan na sa tingin ko ay aking natamo; bukod ang pagliligtas ng Panginoon sa aking kaluluwa, at Kanyang pinabanal kalaunan at tinawag upang maglingkod para sa Kanya. Mga luha ng kagalakan ang kusang tumulo at hindi ko mapigilan ang aking sarili. Wala nang mas tatamis pa na karanasan at pangungusap ng Banal na Espiritu ang aking naranasan sa sandaling iyon. Anumang pag-aalinlangan na mayroon kami ay kaagad na naalis sa paraang napakalinaw. Nais tayo ng Diyos sa Kudjip…. Nakuha niyon ang aking pansin! Hindi ko masabi sa inyo kahit ang petsa, lalo pa ang oras o minuto kung kailan ako naligtas, pinabanal, o tinawag sa paglilingkod para sa misyon. Labis akong naantig sa nangyari kay Sidney. Habang binabasa ko ang tungkol sa pagtulo ng kanyang mga luha, tumulo rin ang aking mga luha. Tiniyak ng Panginoon sa aking puso na ang aming gawain doon ay tunay na bahagi ng Kanyang mga natatanging plano. Ipinadala niya sina Sid at Wanda upang pasimulan ang gawain sa Kudjip, kung saan sa mga panahong iyon ako ay abala at nagtatrabaho upang mabuhay. Tiniyak Niya sa akin na ang aking ginagawa ay bahagi pa rin ng Kanyang plano para sa akin. Habang nakatira kami sa Kudjip, madalas kaming nakakakilala ng mga matatanda na alam ang tungkol kay “Nokis na Wanda [NOH–kis–na WAHN–dah].” Para sa mga nagsasalita ng mga wikang pantribo sa Highlands o Kabundukan, ang pinaghalong katinig na tunog tulad ng “x” o “ks” ay napakahirap, kaya isang patinig ang ipinapasok upang gawin itong “kis,” halimbawa. Kaya, ang “Nokis” ay ang pinakamalapit na maaari nilang mabigkas para sa Sidney “Knox.” Ang “Na” ay ang salitang Melanesian Pidgin para sa salitang “at.” Sa tradisyunal na sistema ng pagbibigay ng pangalan, ang bawat tao ay may isang pangalan. Gagamitin nila ang pangalan ng kanilang ama o ng kanilang asawa bilang isang uri ng apelyido, kaya ang paggamit ng kanilang mga pangalan sa paraan ng Kanluranin ay nagpapahiwatig na sila ay magkapatid na mag-asawa, o na si Wanda ay kasal sa ama ni Sidney. Kaya ang “Nokis na Wanda” ay kung paano nila tinutukoy ang Knoxes, na ibig sabihin ay “Knox at Wanda.” Ipagmamalaki ng mga tao na kilala nila sina Sid at Wanda. Kadalasan ang isang skit tungkol sa mga Knox ay ginagamit sa pagbubukas ng mahahalagang pagpupulong. Karaniwan, ang mga Knox ay inilalarawan ng isang binata na nakasuot ng terno, at isang dalagang nakasuot ng mahabang damit na may makalumang sombrero sa kanyang ulo. Pareho silang may dalang Biblia. Mapapalibutan sila ng “mga anghel,” mga batang babae na may mga mukha na pininturahan ng puti, at nababalutan ng puting sapin sa higaan. Kadalasan inilalarawan si Jesus ng isang binata na kamukha ng isang anghel, maliban sa isang gintong korona sa kanyang ulo. Kung minsan ang skit ay nagpapakita ng pagdating ng mga Knox, pantomimed na pangangaral, at isang grupo ng mga lokal na tao na lumuluhod sa pagsisisi. Kung minsan, kasama rito ang mga Knox na malugod na tinatanggap sa langit at sasabihing, “Magaling! Tapat at mabuting lingkod!” Ang impluwensya ng mga masunurin at bata pang mag-asawang ito sa kabundukan ng PNG ay hindi mabilang. Maliban kung bibigyan mo ng pansin ang mga araw at petsa, hindi mo mamamalayan na mga dalawa at kalahating taon lamang ang pagitan ng pagdating ng mga Knox sa New Guinea at ng kanilang pag-alis dahil sa karamdaman ni Sid. Ngunit sa maikling panahong iyon, nakapagtatag ng mga iklesia sa ilang pangunahing komunidad. Ang mga bagong mananampalataya na nagpatuloy ay nanguna sa pag-akay para kay Cristo at naging disipulo. Ang mga binhi ng dakilang gawain na patuloy na ginagawa ng Diyos sa madilim na lugar na iyon ay itinanim at nadiligan. Bumalik si Wanda pagkaraan ng ilang taon at naging bahagi ng pangangalaga ng lumalagong bagong simbahan. Ang mga sumusunod na pahina ay naglalaman ng muling pagsasa pagsasalaysay ng kuwento tungkol kay Wanda, tulad ng orihinal na isinalaysay ni Carol Anne Eby halos 30 taon na ang nakalilipas, beteranong misyonero ng PNG at dinagdagan ng sariling salaysay nina Sidney noong mga unang araw ng kanilang gawain mula 1955-58. Habang ikaw ay nagbabasa, mangyaring tumutok, hindi sa kung gaano kadakilang tao ang mga Knox o sa kung anong pambihirang kakayahan mayroon sila, ngunit sa kung gaano sila naging tapat at masunurin sa tawag ng Diyos sa kanila. Isipin ang iyong sariling buhay at kung ano ang magagawa ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng iyong katapatan kung ikaw ay susunod sa Kanya.